CAUAYAN CITY – Nagpasa ng resolusyon ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Isabela na nagpaparating ng pagbati at pagkilala kay 2nd Lt. Gemalyn Sugui na number 1 sa PMA Masidlawin Class of 2020.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Panlalawigan Alfred Alili na siyang nag-sponsor ng panukala na lagda na lamang ng mga kasapi ng konseho at ni Punong Lalawigan Rodito Albano ang kanilang hinihintay.
Samantala, nauna nang inihayag ni Dating Punong Barangay George Sugui ng San Antonio Minit, Echague, Isabela na masayang masaya sila ng kanyang misis na si Ginang Selma Sugui na isang guro at ang kanilang buong pamilya sa pagtatapos ng kanyang anak na si 2nd Lt. Gemalyn Sugui dahil hindi lamang ito basta nagtapos kundi siya pa ang number 1 sa PMA Masidlawin Class of 2020.
Sinabi niya na sa Bombo Radyo niya nalaman na magtatapos ang kanilang anak na number 1 sa PMA Masidlawin Class of 2020.
Sinabi ni Ginoong Sugui na alam niyang kakayanin ni Gemalyn physically at mentally ang mahirap na training sa PMA subalit ipinagdasal niya pa rin sa Panginoon na gabayan at bigyan Niya ng lakas ang kanyang anak para malampasan nito ang anumang pagsubok na mararanasan niya sa loob ng akademya.