Nagkasundo na raw ang national government at Cebu provincial government na tapusin ang face-off sa isyu ng pagpapatupad ng executive order sa Cebu na optional na lamang ang pagsusuot ng face masks.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, nakausap na raw niya si Cebu Governor Gwen Garcia at napagkasunduan nilang ayusin ang ordinansa ng probinsiya ng Cebu sa optional na pagsusuot ng face masks sa outdoor at well-ventilated areas.
Sa ngayon, sinabi ni Ano na gumagawa na ang provincial government ng Cebu ng Implementing Rules and Regulation (IRR) para ma-rationalize ang pagsusuot ng face masks.
Hihintayin na lamang daw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang resulta ng IRR bago sila magbigay ng guidance.
Una rito, sinabi ni Año na ang naipasang ordinansa ng Cebu provincial board ay hindi puwedeng palitan ang EO 151 na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte na namamandato sa lahat na magsuot ng face masks.
Binigyang diin nitong ang bansa ay nasa ilalim pa rin ng state of public health emergency at state of calamity hanggang sa September 12, 2022.
Ayon kay Año mahigpit pa ring ipatutupad ng Philippine National Police ang mandatory face mask rule na ipinatutupad sa buong bansa maging sa Cebu.
Nagbabala si Ano na ang mga hindi susunod na pulis sa utos ng pamahalaan aay siguradong masisibak sa puwesto.