Naniniwala si Manila 6th District Representative Benny Abante na mayroon nang na-establish na ‘probable cause’ sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, matapos ang dalawang hearing na isinagawa ng House Justice Committee.
Ito ay kahit mayroon pang dalawang nalalabing hearing na nakatakda sa April 22 at April 29.
Ayon kay Abante, mayroon nang probable cause para ituloy ang complaint sa plenaryo ng Kamara at kinalaunan ay sa Senado.
Inihalimbawa ni Abante ang testimoniya ni Ramil Madriaga noong nakalipas na hearing kung saan ikinuwento niya ang umano’y personal na pagdedeliver sa P125 million na confidential at intelligence fund ni VP Sara sa loob lamang ng 24 oras.
Sa naturang isyu, nagawa ni Madriaga na i-ugnay ang ilang pangalan na umano’y pinagdalhan niya ng malaking bulto ng pera. Kabilang dito sina Philippine Army Colonel Raymund Dante Lachica, Atty. Ryan Quilala, at iba pang malalapit sa Bise Presidente.
Kung ma-validate ito, aniya, magiging matibay itong patunay na mayroon ngang anomalya sa paggamit ng pangalawang pangulo sa kaniyang confidential funds.
Samantala, sinabi rin ni Abante na una na niyang hiniling sa justice committee na ipatawag ang mga personalidad na nabanggit ni Madriaga upang ma-assess ng komite ang kanilang testimonya.
Gayunpaman, sa ngayon ay wala pa aniyang tugon dito ang naturang komite.















