Naisilbi na ng Police Regional Office 11 (PRO 11) ang order na nagbabawi sa lisensiya ng mga baril ni Sen. Ronald Dela Rosa.
Naisilbi ang naturang dokumento kay Atty. Vicente Adrian Pajaro, ang legal representative ni Sen. Dela Rosa.
Ayon sa PNP-Regional Civil Security Unit 11 (RCSU 11), pinangunahan ng Davao City Police Office ang pagsisilbi ng Order of Revocation para sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Firearms Registrations (FR) ng nagtatagong senador.
Ayon kay Davao Region Director PBGen. Leon Victor Z. Rosete, unang nagsagawa ng coordination ang regional office sa local police para sa maayos na pagsisilbi ng revocation order.
Naging maayos din aniya ang pagtanggap ni Atty. Pajaro sa naturang order at nangako siyang kakausapin niya ang kaniyang kliyente para rito.
Nangako rin ang abogado na muli itong makikipag-ugnayan sa law enforcement agencies para sa mga baril ng dating Philippine National Police chief.
Sa ngayon, wala pang impormasyon kung naibalik na sa PNP ang mga baril ng senador na tinatayang aabot sa mahigit 100 piraso na binubuo ng shotgun, rifle, handgun, at iba pa.
















