-- Advertisements --

Hinikayat ngayon ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7) na bumisita ng maaga sa mga sementeryo bago o pagkatapos ng araw ng Undas upang maiwasan ang siksikan lalo na’t nandyan pa rin ang banta ng COVID-19.

Sa press conference ngayong araw, inihayag ni PRO-7 Regional Director Brigadier General Roderick Augustus Alba, sinabi nitong hindi nila magarantiya ang 100% na kaligtasan at seguridad kasabay ng Undas kaya kinakailangan pa rin ng PNP ang suporta at kooperasyon ng lahat.

Simula Oktubre 31, ipapakalat ang mga pulis na magbabantay sa mga sementeryo at simbahan kung saan inaasahan na ang pagdagsa ng mga tao.

Inihayag naman ni Konsehal Phillip Zafra, Chairman ng Peace and Order Committee, na mahigpit na ipinagbabawal ng lungsod ang magpalipas ng gabi sa mga sementeryo na bukas lang mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi sa Nobyembre 1 at 2.

Isa pa umano itong paraan upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa inaasahang pagdagsa ng mga tao.

Samantala, bukod sa force multipliers, mahigit 400 police personnel ang ipapakalat sa 21 pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod.