-- Advertisements --

Umaapela ang Department of Energy (DOE) sa mga power generation companies na i-reschedule ang kanilang preventive maitenance programs.

Ayon kay Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, ito ay para maiwasan na rin ang posibilidad na magkaroon ng red alert level simula sa susunod na linggo hanggang sa Agosto.

Base sa schedule na isinumite sa kanila ng National Grid Corporation of the Philippines, ang Block A ng Ilijan, Batangas power plant, na mayroong kapasidad na 600 megawatts, ay nakatakdang magpatupad ng preventive maintenance sa susunod na linggo.

Halos makakasabay aniya nito ang preventive maintenance na ipapatupad naman ng Pagbilao Unit 2 na mangyayari sa kalagitnaan ng Hulyo.

Bukod dito, ang Sula Unit 1, na mayroong 647 megawatts capacity, ay magpapatupad din ng maintenance works sa katapusan ng Hulyo, ayon kay Marasigan.

Kapag magkasabay-sabay ang tatlong power plants na ito, malaki aniya ang mawawalang supply sa grid dahil aabot ito ng lampas 1,500 megawatts.

Kapag nakataas ang red alert level, sinabi ni Marasigan na hindi naman ito kaagad magreresulta sa brownout.

Subalit posible pa rin aniyang mangyari ang sitwasyon na ito sa loob ng isang oras o hanggang limang oras at hindi naman tuloy-tuloy.