-- Advertisements --

Tumaas ang presyo ng pagkain sa buong mundo noong Marso, sa pinakamataas na antas mula noong Setyembre ng nakaraang taon, ayon sa ulat ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO).

Ayon sa FAO, maaari pang tumaas ang presyo nito kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East na siyang nagtutulak ng pataas sa presyo ng enerhiya.

Sinabi ni FAO Chief Economist Maximo Torero na ang bahagyang pagtaas ng presyo ay dulot ng mas mataas na presyo ng langis, ”cushioned by ample global cereal supplies.”

Gayunpaman, kung tatagal daw ang digmaan at mananatiling mataas ang gastos, maaaring bawasan ng mga magsasaka ang pagtatanim o lumipat sa mas simpleng pananim, na makakaapekto sa ani at presyo ng pagkain sa buong taon.

Batay sa FAO Food Price Index, tumaas ang presyo ng pagkain ng 2.4% mula Pebrero mas mataas ito ng 1% kumpara sa nakaraang taon, ngunit halos 20% mas mababa kaysa sa pinakamataas nitong naabot noong Marso 2022, matapos ang pagsisimula ng digmaan sa Ukraine.

Narito ang galaw ng presyo ng ilang pangunahing pagkain:

  • Cereal: tumaas ng 1.5%, dahil sa mahinang ani sa U.S. at mas kaunting tanim sa Australia
  • Bigas: bumaba ng 3% dahil sa panahon ng anihan at mababang demand
  • Vegetable oil: tumaas ng 5.1%, pangatlong sunod na buwan ng pagtaas kasabay ng mataas na presyo ng palm oil
  • Asukal: tumaas ng 7.2%, pinakamataas mula noong Oktubre 2025, dahil ginagamit ang tubo sa paggawa ng ethanol sa Brazil
  • Karne: tumaas ng 1%, sinundan ng pork at beef, habang bahagyang bumaba ang poultry

Samantala, bahagyang tinaasan din ng FAO ang forecast para sa 2025 global cereal production sa record na 3.036 billion metric tons, 5.8% na mas mataas kaysa noong nakaraang taon.

Ayon sa FAO, ang mga presyo ay patuloy na maaapektuhan ng geopolitics, presyo ng enerhiya, at suplay ng pagkain sa buong mundo, kaya’t pinayuhan ang mga bansa at mamimili na maging handa sa posibleng pagtaas ng gastos sa pagkain.