Inaasahang magkakaroon ng magkaibang galaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan posibleng tumaas nang malaki ang presyo ng diesel habang bababa naman ang presyo ng gasolina.
Batay sa apat na araw na trading ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at galaw ng foreign exchange, tinatayang tataas ang presyo ng diesel ng P4.00 hanggang P4.50 kada litro.
Samantala, posibleng magkaroon naman ng rollback sa gasolina na nasa pagitan ng P1.00 hanggang P1.50 kada litro.
Ayon sa isang source mula sa oil industry, ang pagtaas ng presyo ng diesel ay bunsod ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis matapos umano ang paghinto ng negosasyon para sa peace deal at panibagong banta ng Iran na tuluyang isara ang Strait of Hormuz.
Dagdag pa rito, nakadagdag din sa pagtaas ng presyo ang pangamba na maaaring bumaba sa kritikal na antas ang global oil inventories kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng paggamit ng mga reserbang langis.
Gayunpaman, sinabi ng source na may mga paunang indikasyon na maaaring bumaba ang MOPS prices sa huling araw ng trading ngayong linggo. Kung mangyayari ito, posibleng mapunta sa mababang bahagi ng pagtataya ang dagdag-presyo sa diesel, habang maaaring mas malaki naman ang rollback sa gasolina.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang fuel price adjustments tuwing Lunes at ipinapatupad naman sa Martes.
















