Hinikayat ni Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile, ang pamunuan ng Department of Foreign Affairs na kanselahin ang pasaporte ni suspended representative Arnolfo Teves Jr.
Ito’y dahil na rin sa patuloy na pagtanggi nito na umuwi ng bansa at harapin nag mga reklamong pagpatay na inihain laban sa kanya ng National Bureau of Investigation.
Ang mga kasong ito ay may kaugnayan pa rin sa umanoy pagkakasangkot ng suspendidong mambabatas sa pagkamatay ng dating gobernador ng Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Enrile, ipinagtataka nito kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakansela ang pasaporte ni Teves.
Bukod sa mga kasong kriminal , suspendido rin si Teves sa pagiging kongresista ng kanyang Distrito sa Negros Oriental dahil sa patuloy nitong pagliban sa kamara.
Samantala, patuloy naman sa pagpopost ng mga videos si Teves gamit ang kanyang online account at patuloy nitong pinabubulaanan ang mga paratang laban sa kanya.
Si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Degamo noong March 4 at sa siyam na sibilyan na nadamay sa naturang krimen.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo ay naghain ng motion to inhibit ang kampo ni Teves sa Department of Justice at hinihiling nito na bitawan na ng Justice Department ang paghawak sa preliminary proceedings sa kaso ng pagpatay kay Degamo at sa halip ay ilipat na lamang ito sa ombudsman.
Giit ng mambabatas, hinusgahan na umano siya ng Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at dahil dito ay imposible na makapagbigay pa ng patas na paglilitis ang naturang ahensya.
Paliwanag pa ni Enrile, na nagsilbi ring kalihim ng Department of Justice simula 1968 hanggang 1970, mali ang naturang mosyon ni Teves dahil ang ombudsman aniya ay naktoka lamang sa paglilitis ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian at hindi mga pangkaraniwang krimen.
Punto pa ng opisyal na kabilang sa mga sakop ng Department of Justice na imbestigahan ay ang mga ordinary crimes, kasong rape, pagpatay, at robbery.
Bagamat masasabi niyang competent si Ombudsman Samuel Martires sa paghawak ng kasong kriminal dahil dati itong nagsilbing associate justice ng Supreme Court, hindi pa rin aniya sakop ng mandato nito ang mga ordinaryong krimen.