-- Advertisements --

Wala raw kredibilidad si Pangulong Rodrigo Duterte na tawagin ang pansin ng mga otoridad na nadadawit sa karuma-dumal na pagpatay ng mga inosenteng indibidwal.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senator Leila De Lima na dahil daw sa paulit-ulit na pahayag ng Presidente na may karapatang pumatay ang mga pulis ay mas lalong lumalala ang kultura ng pagpatay sa bansa.

Una nang sinabi ng pangulo na pagbabayarin nito si Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca na pumatay sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac dahil sa pakikipag-away nito sa mga biktima na di-umano’y gumamit ng boga.

Simula raw noong maupo sa pagiging presidente si Duterte noong 2016 ay paulit-ulit nitong sinusuportahan ang mga pulis na pumapatay sa mga nagtutulak at nagbebenta ng droga.

Nitong buwan lang ay sinabihan din ng Pangulo ang mga otoridad na huwag matatakot na labanan ang drug trade kahit nasa gitna pa ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Batay sa ulat, aabot na ng halos 6,000 katao ang napatay dahil sa anti-drug operation sa Pilipinas simula noong Hulyo 1, 2016 hanggang Oktubre 31, 2020.