-- Advertisements --
cropped Senate 6

Tinawag na premature ng dalawang miyembro ng Senate minority bloc ang pag-presenta ng panukalang Maharlika Investment Fund sa mga potential investors sa World Economic Forum sa Switzerland gayong hindi pa naipapasa ang panukalang batas para sa paglikha nito.

Ito ay kasabay ng pagdalo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kasalukuyang nasa Davos, Switzerland para sa nasabing Forum kung saan nakatakda ang soft launching ng Department of Foreign Affairs sa panukalang Maharlika Investment Fund sa mga business leaders at sa buong mundo.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, wala pang isinasagawang deliberasyon ang Senado para sa panukalang batas sa paglikha ng sovereign wealth fund. Magmumukha lamang din aniyang amateur ang Pangulo kapag tatalakayin ang Maharlika fund na hindi pa nabubuo.

Tinawag din na premature ni Senate Minority Leader Aquilino “koko” Pimentel III ang “soft launch” ng panukalang batas na Maharlika Investment Fund at inihayag na ang pagtataguyod ng nasabing panukala nang hindi pa naipapasa bilang batas ay isang hakbang na magtatali sa kamay ng Kongreso partikular na ng Senado sa kontrobersyal na panukala.

Sa halip aniya na magpokus sa limitadong resources sa Maharlika Investment Fund bill, dapat na pagdebatehan aniya ang legislation na magpapaunlad sa buhay ng ating mga kababayan, pagkontrol sa inflation at paglikha ng mga oprtunidad sa trabaho.