Maaari pa ring ipresenta sa impeachment trial ang mga naging aksyon ni Vice President Sara Duterte bago siya naupo sa pwesto kung mapatutunayan nitong mayroon siyang paulit-ulit na gawi o behavioral pattern, ayon sa House prosecution panel.
Gagamitin din ang mga lumang rekord bilang batayan o financial baseline para patunayan ang paratang na unexplained wealth o hindi maipaliwanag na kayamanan laban sa bise presidente.
“I think they have already mentioned this that their position is that pre-office conduct, meaning actions committed before the respondent became the VP, should not be admitted in evidence,” legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
Kinontra naman ni legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang hiling ng kampo ni Duterte na ibasura ang mga lumang ebidensya.
Ayon kay Tolosa, pasok pa rin sa mga impeachable offense ang mga ginawa nito noon at mahalaga ito para masuri ang paglago ng kanyang yaman hanggang noong taong 2022.
“We have our position on this. Of course, we do not agree to that position since for us pre-office conduct by themselves actually constitute impeachable offences and I hope you could understand why I can’t go to the merits of that,” he said.
Plano ng prosekusyon na magsumite ng mga bank records, SALN, ulat mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga income tax return mula sa BIR upang patunayan na hindi nagtutugma ang idineklarang yaman ng bise presidente at ng kanyang asawa sa kanilang totoong ari-arian.
Binigyang-diin naman ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na ang paglilitis na ito ay para sa pananagutan sa bayan dahil pera ng mga Pilipino ang pinag-uusapan at karapatan ng publiko na malaman kung saan ito napunta.
“Public office is a public trust, so ang tiwala ng taongbayan dapat suklian ng tapat na pagseserbisyo. Ultimately, all in all, this is for the interest of the public dahil pera nila ang pinag-usapan nila at dapat lang na malaman nila kung saan napunta ang kanilang pera,” pahayag ni Rep. Adiong.
















