-- Advertisements --

Iniulat ng poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) nitong lunes na natanggap na ang mahigit 60,000 o 61.77% mula sa 107,785 election returns ng kanilang parallel count ng May 9 elections.

Sa naturang bilang karamihan ay mula sa North at South Luzon na mayroong 40,292 election returns, sinundan ito ng Visayas na may 11,614, National Capital Region (10,033) at sa Mindanao naman ay mayroon ng 4,635 ERs na natanggap ang PPCRV.

Inaantay pa ng election watchdog ang mga election returns mula sa overseas voting.

Samantala, nakapagtala naman ang PPCRv ng 1.61% na mismatch mula sa 240 election returns at sa transparency media server subalit nilinaw naman ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco nitong linggo na walang dapat ikabahala sa naitalang mismatch dahil hindi aniya ito makakaapekto sa resulta ng election lalo na sa national positions.

Ipinaliwanag naman ni PPCRV chairperson Myla Villanueva na ito ay marahil sa typographical errors sa parte ng kanilang volunteers.