Tinututukan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang pag-trace sa posibleng resellers ng expired at smuggled na karne na nakumpiska kamakailan ng ahensiya at ng Bureau of Customs sa isang warehouse sa Meycauayan, Bulacan.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista, maaaring makasuhan ang mga resellers ng naturang mga expired at smuggled na karne.
Batay sa Meat Inspection Code of the Philippines, sinabi ng DA official na ang importer, nagmamay-ari ng cold storage facility at resellers ng nasabat na pinuslit na mga karne ay maaaring maharap sa anim hanggang 12 taong pagkakakulong.
Matatandaan na noong araw ng Martes, nakumpiska ng DA at BOC ang expired na mga karne na tinatayang nagkakahalaga ng P35 million sa warehouse sa Meycauayan.
Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng imbentaryo sa mga nakumpiskang karne at iniimbestigahan kung saan ibinibenta ang mga nirepack na karne.
Binigyang diin din ng DA official sa mga tumatangkilik ng smuggled na produkto dahil mura nga na hindi ligtas kainin ang mga ito dahil hindi dumaan sa inspeksiyon.