Hinihintay pa umano ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang abiso ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may ibang bansa pa Middle East ang ilalagay sa alert level 4 para ipatupad ang mandatory evacuation o repatriation.
Sa ngayon, nananatili ang mandatory repatriation sa Iraq habang ibinaba naman sa alert level 2 ang Iran at Lebanon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia, bukas maglalabas sila ng resolusyon para sa deployment ban sa Iraq dahil sa tensyon sa pagitan ng US at Iran at sa Kuwait dahil naman sa pagkakapatay ng Pinay domestic helper na si Jeanelyn Vilavende.
Samantala, inamin ni Olalia na pinakamalaking hamon pa rin sa pagpapatupad ng mandatory repatriation ang pagtanggi ng mga apektadong OFWs na bumalik ng bansa.
Ayon kay Olalia, nanghihinayang kasi ang mga OFWs sa kikitaing pera kahit pa nasa panganib na ang buhay.
Kaya nananawagan si Olalia sa mga kamag-anak ng mga OFWs sa Middles East lalo sa Iraq na tumulong sila sa pagkumbinsi sa kanilang mga kaanak na samantalahin ang pagkakataon lalo pa’t libre naman ang kanilang pag-uwi at maaari pa ring makabalik kapag ligtas na ang sitwasyon.