-- Advertisements --

Bukas umano ang Department of Education (DepEd) sakaling magkaroon ng imbestigasyon ukol sa umano’y anomalya sa ahensya.

Kasunod ito sa lumabas na report ng Commission on Audit (COA) na nasa P113-milyong halaga ng libro at mga teacher’ s manual ang hindi naipamahagi at nakatambak lang sa bodega ng DepEd.

“DepEd welcomes the inquiry that the Senate and the House of Representatives plan to conduct on this matter,” saad sa pahayag ng ahensya.

“We will appreciate a public process to respond to the issues raised in the COA report,” dagdag nito.

Una nang binatikos ng pinuno ng Senate panel on basic education na si Sen. Sherwin Gatchalian at ACT-Teachers Rep. France Castro ang ahensya kasunod ng lumabas sa annual audit report ng COA at nagbanta ng imbestigasyon sa isyu.

Habang nasa mahigit 300 milyong libro ang nakatambak lang sa mga nodega, inihayag ng ACT-Teachers na maraming mga kagamitan sa pagtuturo sa ilalim ng K to 12 program ang hindi pa naipapamahagi.

Nitong Lunes nang ihayag ng Malacañang ang suporta nito kay Education Secretary Leonor Briones matapos lumabas ang COA report.