Sinusuyo na daw ngayon ng rescue team para maberepika ang nakitang isang bagay na posibleng debris mula sa nawawalang Cessna plane sa Isabela.
Ayon kay Isabela Provincial Information Office administrative officer Joshua Hapinat, ang naturang bagay ay nakita ng mga residente malapit sa Barangay Sapinit sa Divilacan, Isabela.
Ang naturang residente ay nasa loob ng 25-kilometer malapit sa Ilagan-Divilacan Road.
Kung maalala, sinabi rin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na mayroong kulay puting bagay na namataan sa Barangay Dicaruyan, Divilacan, Isabela sa isinasagawang search and rescue operation para hanapin ang nawawalang Cessna plane.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Constante Foronda, ang lugar kung saan namataan ang object ay consistent sa mga hints sa posibleng kinaroroonan ng nawawalang eroplano na base na rin sa pahayag ng isang magsasaka.
Magpo-focus daw ang ground search sa mountain side malapit sa Barangay Sapinit.
Pero hanggang sa ngayon, hindi pa raw sigurado kung makaka-take off ang mga choppers dahil sa masamang lagay ng panahon sa northern part ng Sierra Madre.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Philippines kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, hiniling na nila sa Hong Kong Mission Control Center (HKMCC) at Japan Mission Control Center (JAMCC) para tumulong sa search and rescue operations.
Nakipag-ugnayan na raw ito sa kanilang counterparts sa Japan at Hong Kong para i-review ang kanilang respective systems para sa “distress alert” mula sa nawawalang eroplano.