Katuwang ang Department of Health (DOH) ay patuloy ang paghahatid ng Commission on Population ng mga condoms at contraceptives na ipapamahagi ng mga local government unit sa mga kabahayan para maiwasan ang pagbubuntis sa kabila ng lockdown.

Batay daw sa pag-aaral ng POPCOM ay lumalabas na posibleng mahigit 200,000 ang madadagdag na pagbubuntis sa susunod na taon.

Ayon kay Commission on Population Usec. Juan Antonio Perez III, Marso pa lamang ay kinausap na nila ang mga LGUs na magbahay-bahay at magdeliver ng 3 months supply ng condom at pills sa mga kababaihan na nakalista sa kani-kanilang mga health center.

Halos 2-milyon daw kasi ng mga kababaihan sa buong Pilipinas na gumagamit ng pills ang nahirapan kumuha niyo kaya hindi umano maiiwasan ang pagtaas ng tinatawag na “unmet needs” sa family planning.

Sa ngayon ay nasa 108.5-milyon na ang populasyon ng Pilipinas kung saan inaasahan na bago matapos ang taong 2020 ay aabot na ito ng 109M.

May posibilidad din umano na pumalo ng 1.8-milyon ang manganak ngayong taon kumpara noong 2019 na nasa 1.16-milyon lamang, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ikinababahala rin ng ahensya na maaaring madagdagan ang teenage pregnancy. Karamihan daw kasi ng kabataan ay hindi nagpapatinag kahit pa nagpatupad ng lockdown at gumagawa pa rin ng paraan para makipagkita sa kanilang mga kasintahan.

Dagdag pa ni Perez na kalimitang nangyayari ang premarital sex sa loob ng bahay at karamihan sa mga kasong ito ay sangkot sa sexual abuse.