
Pinabulaanan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang mas mababa umanong alokasyong pondo ng sektor ng agrikultura sa ilalim ng panukalang P5.768 trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2024.
Ginawa ng kalihim ang naturang paglilinaw matapos na mailabas ang 2024 NEP kung saan makikita na mayroong mas mataas na panukalang pondo ang Department of Public Works and Highway (DPWH) na nasa P801.2 billion kumpara sa Department of Agriculture (DA) na mayroon lamang P181.4 billion.
Sa press briefing sa Malacanang, ipinaliwanag ni Budget Secretary Pangandaman na sinimulan ng taasan ang pondo ng DA at Department of Agrarian Reform (DAR) ng 30% sa national budget ngayong taon habang tumaas naman ito ng 6% para sa 2024.
Saad pa ng kalihim na pagdating naman sa pondo ng DPWH, iniakma nila ito sa medium-term fiscal framework ng Marcos administration.
Kung saan ang layunin sa ilalim ng framework na ito ay para sa infrastructure spending para maabot ang 6% ng gross domestic product (GDP) ng ating bansa.
Nanindigan din ang opisyal na nananatiling committed ang Marcos admin sa paglalaan ng sapat na pondo para sa sektor ng agrikultura.
Sinabi din ni Pangandaman na noong nakalipas na dalawang dekada napakababa ng pondo at investment para sa agrikultura subalit sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay tumaas ito.










