-- Advertisements --

CEBU CITY – Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring buy bust operation sa Lungsod ng Cebu kagabi kung saan patay ang isang police officer.

Una nito, nagsagawa ng anti-drug operation ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa Sitio Tabada, Barangay Mambaling sa nasabing lungsod.

Ayon sa hepe ng Mambaling-PNP na si Police Capt. Renz Talosig, nauwi sa shootout ang operasyon matapos nakorner ng mga pulis ang mga subject.

Nagtamo ng tama ng bala ang miyembro ng PDEG na si Police Senior Master Sergeant Maximo Macua kaya sinugod agad ito sa pagamutan ngunit binawian ng buhay kinalaunan.

Pagkalipas ng ilang oras, nadakip naman ang mga suspek sa buy bust operation na sina Ronald Sagarino at Frasco Obeso.

Nasa kustodiya na ng PNP ang mga drug suspect.

Sinabi ni Police Regional Office-7 Director B/Gen. Albert Ferro na nagpapatuloy ang case build up sa naganap na shootout.

Tiniyak din ng Police Regional Office-7 na bibigyan ng parangal ang namatay na pulis.