Inatasan na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng police commander na magsagawa ng orientation briefing sa mga paaralan.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng kanilang panawagan sa publiko na mag-ingat sa gitna ng kaliwa’t kanang napapaulat na mga kaso ng kidnapping at pagpatay na kumakalat ngayon sa social media.
Sa pagharap sa media ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ay sinabi niya na naglabas na siya ng direktiba sa mga police commander na magsagawa ng briefing at information drive sa mga eskwelahan upang mabigyan ng babala ang mga magulang, mag-aaral, at maging ang mga guro upang magbigay ng babala hinggil sa mga lumalalang krimen ngayon sa paligid.
Isa na rito ang pagbibigay ng warning sa mga lugar na dapat iwasan at gayundin ang mga bagay na kanilang dapat na gawin bilang pag-iingat.
Pinayuhan din niya ang mga estudyante na huwag basta-bastang sumama sa mga hindi kakilala at ang pag-take note din sa plate number ng kanilang sasakyang pampublikong transportasyon atsaka nila ito i-text sa kanilang mga magulang.
Samantala, bukod dito ay tiniyak naman ng PNP chief na paiigtingin pa nila ang police visibility sa mga delikadong lugar at maging sa mga malalapit na paaralan.










