Parehong itinanghal na Best Actress in a Leading Role sa Cinemalaya ngayong taon sina Pokwang at Ruby Ruiz.
Si Pokwang, na ang tunay na pangalan ay Marietta Subong, ay nagwagi para sa kanyang pagganap sa “Two Valid IDs,” habang si Ruby naman ay pinarangalan para sa pelikulang “Status: Rejected.”
Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ni Pokwang ang kanyang mga magulang, ang buong Cinemalaya team at ang mga bumuo ng “Two Valid IDs.”
Nagpasalamat din siya sa mga manonood na patuloy na sumusuporta sa mga pelikulang Pilipino, sa kabila ng hirap ng buhay.
Nagbigay rin siya ng mensahe ng pag-asa sa mga tinatawag niyang mga “Sylvia” at sa lahat ng Pilipino.
“Don’t lose hope, keep fighting,” ani Pokwang.
Samantala, sinabi naman ni Ruby na napakahalaga sa kanya ng Balanghay trophy, dahil sumisimbolo ito sa matinding pagsisikap ng mga filmmaker at artista.
Sa kanyang acceptance speech, pabirong sinabi ni Ruby: “Status: Accepted!”
Bukod sa Best Actress award, nagwagi rin ang “Two Valid IDs” ng Audience Choice Award at Special Jury Prize.
Samantala, nakuha naman ng “Status: Rejected” ang NETPAC Jury Award.
















