Tukoy na umano ng Philippine National Police (PNP) ang mga politiko na gumagamit ng mga private armed groups (PAGs) para masigurado ang kanilang pagkapanalo.
Ayon kay PNP spokesperson Chief Supt. Benigno Durana, may mga sinusundan na rin silang listahan ng mga politiko na parokyano raw ng mga private armed groups.
Tumanggi naman si Durana na pangalanan ang mga nasabing opisyal dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Sa record ng PNP nasa 77 private armed groups (PAGS) ang kanilang mino-monitor na aktibong nag-o-operate sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Karamihan aniya sa mga PAGS na ito ay nag-o-operate sa ARMM.
Bukod dito may 167 potential PAGS pa ang kanilang minamanmanan ngayon na maaring magamit din ng mga politiko.
Bumuo na ang PNP ng Special Task Group 2019 midterm election para matutukan at mapigilan ang mga gulong may kinalaman sa gaganaping halalan sa susunod na taon.
Nagpapatuloy din ang assessment ngayon ng mga hepe ng Directorate For Integrated Police Operations (DIPO) sa buong bansa.










