Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila papaburan ang anumang grupo tagasuporta man ng gobyerno o nagpoprotesta sa idaraos na ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa Complex sa lungsod ng Quezon.
Ayon kay PNP Spokesperson Jean Fajardo, nagbigay ang pamahalaang lungsod ng Quezon ng mga permit sa apat na grupo para sa SONA sa Lunes at pinaalalahanan ang mga ito na sumunod sa mga guideline alinsunod sa ibinigay sa kanilang permits.
Ang mga progresibong grupo niya ay papayagan lamang na pumosisyon sa may Tandang Sora malapit sa Commonwealth habang ang mga grupong pro-government naman ay itinalaga sa may harapan ng St. Peter Parish sa may Commonwealth.
May humigit kumulang 2 kilometro ang agwat ng magkabilang grupo para maiwasan aniya ang tensiyon, magparinigan at maiwasang maging mitsa ng away at pantay aniya ang treatment na ibibigay sa militanteng grupo at maka-pro government.
Hindi din pinapayagan ang pagsusunog ng effigy o imahe ng personalidad dahil mayroon aniyang batas na nagbabawal sa pagsusunog sa pampublikong lugar.
Hindi din papayagan ang pagsira ng effigy dahil maaari itong magdulot ng mabigat na daloy ng trapiko kung saan papairalin ng PNP ang maximum tolerance sa mga protester.
Ayon pa kay Fajardo, ang mga progresibong grupo ay papayagang magsagawa ng kanilang mga programa mula 8 a.m. hanggang 1 p.m. habang ang pro-government groups naman ay mula 11 a.m. hanggang 5 p.m.
Aabot naman sa 20,000 tauhan ng PNP kabilang ang mga personnel mula sa Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Office ang ipapakalat sa SONA.
Habang nasa pagitan ng 2,000 at 3,000 law enforcement personnel naman ang idedeploy sa may Batasan Complex