Tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) na hahanapin at papanagutin nila ang mga indbidwal na nasa likod ng pananambang sa Ampatuan Municipal Police.
Kasunod ito ng naganap na pag-atake sa naturang kinatawan ng pulisya na nag-iwan ng tatlong sugatang indibidwal at nag-mitsa naman ng pagkamatay nina Ampatuan Municipal Police Station Chief Police Lieutenant Reynaldo Samson at Police Corporal Salipuden Talipasan Endab.
Sa isang pahayag ay sinabi ng PNP na sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng hot pursuit operations sa mga lugar sa paligid ng Barangay Kapinpilan, Ampatuan, at Maguindanao sa pangunguna ng Provincial Mobile Force Companies ng Maguindanao Police Provincial Office katuwang ang PNP special action force upang tugisin ang mga responsable sa natirang pananambang.
Kung maaalala batay sa inisyal na ulat ng pulisya, maghahatid sana ng warrant laban sa isang notorious na indibidwal ang mga biktimang pulis nang bigla na lamang paulanan ng bala ang kanilang patrol car ng mga hindi pa nakikilalang armadong mga kalalakihan sa Barangay Kapinpilan kaninang umaga.
Bagay na pinaniniwalaan naman ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Regional Director Police Brigadier General John Gano Guyguyon na posibleng natugunan o mayroong nag-leak umano ng impormasyon ng kanilang operasyon dahilan kung bakit napaghandaan ito ng mga armadong kalalakihan.