Tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling mababa ang index crime sa Pilipinas.
Sa kabila ito ng kaliwa’t kanang mga report ng iba’t-ibang klase ng krimen na kumakalat ngayon sa social media.
Sa pagharap mismo sa amin ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ay nilinaw niya talagang naha-highlight lang ngayon ang mga krimeng nagaganap sa iba’t-ibang panig ng bansa nang dahil sa paglawak ng teknolohiya partikular na ng social media kung saan ito agad na pinopost ng mga netizens.
At lubos aniyang nagpapasalamat ang buong hanay ng kapulisan dito dahil mas napapadali daw ang kanilang pag-iimbestiga at pagrescue sa mga biktima ng nasabing mga krimen.
Ngayong araw ay nakatakda rin iulat ni Azurin ang kanilang datos na nakalap mula buwan ng Hulyo hanggang Agosto sa taong ito kung saan nga makikita ang mas mababang bilang ng mga krimen sa bansa ngayon kumpara sa mga nakalipas na administrasyon.
“Ang assurance po natin dito ay ang atin pong peace and order sa ating bansa ay still manageable.” ani Azurin.
“Medyo naha-highlight nga lang po ang iba’t-ibang narereport po via different platforms pero definitely ang krimen po ay mababa pa rin po.” dagdag pa niya.
Samantala, kasabay nga ng pagpapaigting pa ng kapulisan sa police visibility ay patuloy din ang kanilang pagpapaalala sa lahat lalo na sa mga mag-aaral na maging mapagmatiyag, wag basta-bastang sasama kung kani-kaninong taong di nila kilala at hangga’t maaari ay i-take note kung anong klaseng sasakyan at plate number nito sakaling sasakay sa mga pampublikong transportasyon.