-- Advertisements --
PNP SAF

Nagpahayag din ng kahandaang magpaabot ng tulong sa mga biktima ng malakas na lindol sa Turkey ang Special Action Force ng Philippine National Police.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP-Special Action Force director, P/MGen. Alan Okubo na anumang oras ay nakahanda ang kanilang hanay na magpadala ng dagdag na tulong para sa humanitarian at disaster response assistance sa naturang bansa at naghihintay na lamang aniya sila ng direktiba mula sa mga nakatataas ukol dito.

Mayroon aniya silang labing anim na mga tauhan na talagang bihasa pagdating sa pagsasagawa ng search and rescue operations partikular na sa mga landslide at collapsed structure na talagang kinakailangan ngayon sa Turkey dahil sa mga gumuhong malalaking gusali na nagsanhi ng pagkasawi ng maraming mga buhay doon.

Bukod dito ay marami rin aniya silang dalang mga kagamitan na maaring dalhin para makatulong sa nagpapatuloy na search, retrieval, and rescue mission sa naturang bansa.

Kung maaalala, una nang sinabi ng Office of the Civil Defense na patuloy din silang nakatatanggap ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan tulad ng disaster risk reduction and management office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at lungsod ng Pasig, at Davao, gayundin ang Bureau of Fire Protection na nagpapahayag ng kanilang kahandaang tumulong sa nasabing mahalagang misyon sa Turkey.