-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni PNP Directorate for Operations M/Gen. Val De Leon ang mga regional police directors na palakasin pa ang kanilang security measures sa kani-kanilang mga areas of responsibility (AOR) kasunod ng nangyaring pagsabog sa isang bus sa Koronadal at Tacurong City.

Layon nito na maiwasan ang kahalintulad na insidente partikular sa Mindanao.

Inatasan din nito na paigtingin ang kanilang mga checkpoint operations.

Direktiba nito sa mga Unit commanders na magsagawa ng mga inspections at target-hardening at palakasin din ang intelligence gathering.

Mariin namang kinondena ni De Leon ang kambal na pagsabog sa Mindanao.

Ipinag-utos na rin ni PNP OIC chief Lt Gen. Vicente Danao ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring bomb attacks sa Koronadal at Tacurong.

Siniguro ng PNP na mananagot ang mga nasa likod ng pagsabog at mabibigyan ng hustisya ang mga biktima.

Samantala, batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, mga local armed groups ang nasa likod ng pagsabog at extortion ang motibo.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang pag iimbestiga sa naturang insidente at maging ang ikinasang pursuit operations para maaresto ang mga suspek.

Ipinag-uutos din ng PNP sa mga RDs at unit commanders na magpatupad ng security adjustment para maprotektahan ang mga sibilyan lalo na ang mga transport operators.

Pagtiyak naman ng henerql na nakahanda mag deploy ang National Headquarters ng dagdag na tropa kung kinakailangan para tugisin ang mga suspek.

Nananawagan din ito sa komunidad na tulungan ang mga otoridad sa pamamagitan ng pag report kung may mga suspechoso at kahina hinalang indibidwal sila na napapansin.