
Iimbestigahan ngayon ng Philippine National Police ang umano’y pag-absent ng ilang police security ni Negros Oriental Governor Roel Degamo sa araw mismo ng assassination.
Kasunod ito ng naging panawagan ni House Speaker Martin Romualdez at ilang mga mambabatas na dapat din imbestigahan ng pulisya ang umano’ y pagkawala ng nasabing mga police security dahil hindi anila ito nagkataon lamang.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, batay aniya sa nakalap na inisyal na impormasyon ngayon ng kapulisan ay lumalabas na mayroong apat na security ang naka-detail kay Governor Degamo ngunit ang mga ito ay magkarelyebohan.
Aniya, sa nagpapatuloy na imbestigasyon ngayon ay tinitignan ng Pambansang Pulisya kung totoo bang mayroong umabsent sa kaniyang mga security detail noong nangyari ang naturang insidente.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ni Fajardo na patuloy pang tinutugis ng kapulisan ang nasa 12 pang mga suspek na may kinalaman sa naturang pamamaslang batay na rin sa mga rebelasyon isiniwalat ng mga salarin na hawak at nasa kustodiya ngayon ng mga otoridad.










