Inabisuhan ng Philippine National Police (PNP) ang mga magkasintahan na nais magkaron ng “alone time” bukas, araw ng mga puso, na siguraduhing wala silang dala na bagong strain ng coronavirus sa kanilang pag-uwi.
Nagbigay din ito ng tips para sa mga aktibidad na maaaring gawin bilang selebrasyon sa Valentine’s day.
Una, kailangan munang i-check ng mga magkasintahan sa local government units (LGU) sa kanilang destinasyon kung pinapayagan nito ang operasyon ng mga hotels at motels dahil posible raw na masayang lang ang kanilang oras kung maghahanap pa ang mga ito ng kanilang love nest.
Ayon kay Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, deputy chief for Operations at kasalukuyang commander ng Joint Task Force COVID Shield, may existing guideline na ang Department of Tourism (DOT) na ipinagbabawal ang short time check-ins, pero wag kayo mawalan ng pag-asa mga Ka-Bombo at Ka-Starnation dahil discretion pa rin daw ng LGU kung papayagan nito na tumanggap ng bisita ang mga hotels at motels sa kanilang lugar.
Mayroon namang direktiba ang PNP sa mga local commanders na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng quarantine protocols sa kanilang respective areas of responsibility.
Ikalawa, kailangan ding tiyakin ng mga magkasintahan kung ang hotels at motels na kanilang balak puntahan ay ginagamit bilang quarantine facilities ng mga indibidwal na suspected COVID-19 carrier.
Sinabi pa ni PNP spokesman Brig. Gen. Ildebrandi Usana na hindi pa rin maaaring isantabi ng mga otoridad ang posibilidad na may ilang hotel at motel owners ang pumapayag na gamitin ang bakanteng kwarto ng kanilang pasilidad bilang quarantine facilities.
Para naman sa mga nagpaplano na magpunta sa mga restaurants o saan mang romantic places, kailangan din aniyang siguruhin ng magkaka-date na susunod sila sa minimum health safety standard protocols.