Mariing itinanggi ng PNP sa Davao Del Norte na kanilang hinarang ang pagpapalaya sa grupo nina Satur Ocampo, ACT Teachers Rep. France Castro at 16 pang mga kasamahan kahit nakapagpiyansa na ang mga ito.
Ipinaliwanang ni Davao Del Norte Police Provincial Director PSSupt. Ferlou Silvio na may tatlong kaso silang isinampa laban sa grupo nina Ocampo kaya nagkaroon ng kaunting argumento kaugnay sa inilabas na desisyon ni Tagum City Judge Arlene Palabrica.
Ayon kay Silvio batay sa naging appraisal ng kanilang abugado isang kaso lamang ang maaring makapag bail ang grupo ni Ocampo, kaya mayroon pang dalawang kasong kahaharapin ang mga ito, dahilan para hindi muna nila pinakawalan ang grupo ng dating mambabatas.
Dahil sa nasabing argumento, naglabas ng supplemental order si Judge Palabrica kung saan nilahat nito ang tatlong kaso at nagtakda ng piyansa sa bawat isa kaya nakalaya din ang grupo ng dating mambabatas.
“So nilahat na po yun ang sa kasong yun ang kanilang pag bail. Kaya ho natagalan ho yun kasi meron pa hong mga oral arguments na ginawa. So nung lumabas po yun, nagpalabas si judge palabrica ng supplemental order kasi ang una po is yung 7610 lang,” pahayag ni Silvio.
Paglilinaw ng opisyal na ito ang naging dahilan kung bakit natagalan ang pagpapalaya sa grupo ni Satur Ocampo.
Pinasinungalingan din ni Silvio ang naging alegasyon ng kampo ni Satur na kahit nakalaya na sila ay may mga pulis pa rin umano ang sumusunod sa nasabing grupo.
” Nung nasa loob na po nandun na po ang kanyang kasamahan malaya ho sila makipagcommunicate doon sa loob ng gusali, wala ho kaming ginawang pagpapatigil sa kanila,” giit ni Silvio.