Naninindigan ang Philippine National Police (PNP) na nananatiling independent body ng Internal Affairs Service (IAS) nito kahit nasa kontrol ito ng pambansang pulisya.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, mula nang itatag ang PNP-IAS ay napantili umano nito ang pagiging independent body dahil kahit kailan ay hindi raw ito naimpluwensiyahan at napapakialaman.
Tiniyak ni Banac na nakahanda ang PNP sa anumang pagdinig ng Kamara kaugnay sa panukalang alisin na sa kontrol ng PNP ang Internal Affairs Service (IAS) at ilipat sa pamamahala ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa ilalim kasi ng House Bill 3065 ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles nakasaad ang pakay nito na amyendahan ang Republic Act 8551 o Philippine National Police Reform Reorganization Act of 1998 na nagtatatag sa IAS bilang hiwalay na chain of command ng PNP.
Sinabi ni Banac, anuman aniya ang mapagdesisyunan ng mga mambabatas ay nakahanda ang PNP na suportahan ito.
Ang PNP-IAS ay nakatalagang magsagawa ng pagdinig sa mga kasong administratibo ng mga pulis at nagrerekomenda rin ng dismissal order.
Pero sa kasalukuyang sistema, ang rekumendasyon ng IAS ay isusumite pa sa Office of the Chief PNP na siyang pipirma para maging final ang desisyon na ibababa laban sa mga akusadong pulis.










