Uumpisahan na sa Oktubre 29 ang paglalatag ng deployment ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa paggunita sa Undas ngayong taon.
Sa naging flag ceremony ngayong umaga sa Camp Crame, inihayag ni Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na higit sa 30,000 na kapulisan ang itatalaga sa buong bansa simula Miyerkules hanggang Nobyembre 3 para sa latag ng seguridad.
Inatasan na rin aniya niya ang lahat ng yunit na bantayan ang mga lugar na siyang nakatakdang bisitahin at puntahan ng publiko partikular na ang mga sementeryo, pantalan, terminals at iba pang mga matataong lugar.
Ani Nartatez, dapat na makiisa at makipagtulungan ang pulisya sa iba pang law enforcement agencies upang masiguro na magiging payapa, maayos at banal na pagaalala sa mga yumao.
Kasunod nito, tiniyak ni Nartatez na sila ay tutugon sa mga pangangailangan at panawagan ng publiko sa Pambansnag Pulisya na panatilihing maayos at may seguridad ang linggong ito.
Aniya, handang-handa ang PNP hindi lamang sa deployment ngunit maging sa kanilang pagbabantay katuwang ang mga lokal na pamahalaan at maging iba pang ahensya.
Samantala, nauna naman na dito ay inanunsyo na rin ng PNP na magpapatupad ang kanilang hanay ng full alert status sa Oktubre 31, iang araw bago ang mismong Undas para matiyak na bantay sarado ang lahat ng mga pook na bibisitahin ng publiko.














