KORONADAL CITY – Tinawag na fake news ng ilang miyembro ng Kabus Padatuon (KAPA) investment group ang inilabas na memorandum ng Department of Interior and Local Government o DILG na pirmado mismo ni Sec. Eduardo Año na nag-uutos na ipasara na ang lahat ng kanilang opisina lalo na sa isla ng Mindanao.
Napag-alaman na marami pa ring investors ng KAPA ang nagsasabing wala umanong kapangyarihan ang DILG na ipasara ang KAPA kahit ang Securities and Exchange Commission (SEC) dahil pinaninindigan pa rin nilang legal ito.
Ito’y sa kabila ng maraming advisory na ipinalabas na nagpapatunay na hindi sila rehistrado bilang lehitimong investment group sa SEC ngunit tumatanggap pa rin ng investment kapalit ng pangakong 30% sa bawat perang ininvest.
Kaugnay nito, nakatakdang magpalabas ng official statement ang DILG-South Cotabato sa susunod na linggo habang nanindigan naman si Police Colonel Joel Limson hepe ng South Cotabato-Philippine National Police (PNP) na ipapatupad nila ang batas at ipapasara ang KAPA anumang oras.