-- Advertisements --
pamilya ng mga nawawalang sabungero

Inihayag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group na mayroon na silang ideya sa pagkakakilanlan sa utak na nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

Ito ay sa gitna pa rin ng umiiral na imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang kaso.

Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group chief Police Brigadier General Romeo Caramat Jr., mayroon na raw silang lead sa kung sino talaga ang mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.

Sa kabila nito ay hindi pa rin naghahain ng kaso ang mga otoridad laban sa naturang indibidwal na umano’y nasa likod ng nasabing krimen dahil kasalukuyan pa silang kumakalap pa ng matibay na mga ebidensya ukol dito.

Dagdag pa ni Caramat, sa ngayon ay naka-focus aniya muna sila sa paghuli sa mga indibidwal na nasasangkot sa pagkawala ng nasabing mga sabungero dahil naniniwala aniya sila na iisa lamang ang may kagagawan sa lahat ng mga kasong may kinalaman dito.

Kung maaalala, Enero taong kasalukuyan ay naghain ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang Department of Justice sa anim na mga indibidwal na umano’y dawit sa pagkawala ng anim na sabungero.

Habang sumuko naman sa mga otoridad ang tatlong mga dating pulis na nauugnayan sa kidnapping case ng isang e-sabong master agent na si Ricardo Lasco.