Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi ang aktong pag-file ng impeachment ang kanilang basehan ng pag-aresto kung sakaling ipadakip ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Paliwanag ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac, ang tinutukoy ni PNP Chief Oscar Albayalde na imbestigasyon ay para sa mga posibleng ibang paglabag sa batas ng mga ipapaaresto ng pangulo.
Ayon kay Banac, ang sinabi ng PNP chief ay base sa “premise” na posibleng magkaroon ng ibang paglabag sa batas ang mga magpapa-impeach sa pangulo gaya ng maling pag-akusa tulad ng criminal libel at defamation o perjury.
Kung maaalala, sinabi ng DOJ na hindi puwedeng hulihin ang mga maghahain ng impeachement laban sa pangulo dahil iyon ay isang legal na proseso.
Giit ni Banac, alam ng PNP ang mga elemento ng pagsasagawa ng tamang pagdakip kasabay ng pagtiyak tatalima sila sa batas.
Una nang sinabi ni PNP Chief Albayalde na kung ipag-utos ng pangulo ay gagawin nila ito kung may makikitang paglabag sa batas ang mga naturang indibidwal.
Magkakaroon din aniya ng imbestigasyon bago sila magpatupad ng pag-aresto.










