-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Sobrang nagagalak at buong pagmamalaking ibinida ng pamilya ni Cadet First Class Pamela Calleja ang pagiging rank 8 nito sa Philippine Military Academy (PMA) Masaligan Class of 2021.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa nakatatandang kapatid nitong si Monica, sa kanilang limang magkakapatid ay si Pam lamang umano ang sumuong at na-inspire na sundan ang yapak ng ama na dating sundalo.

Kuwento pa nito, bata pa lamang ay consistent o palaging honor student si Pam at pangarap na maging pulis subalit hindi nakapasa sa Philippine National Police Academy dahil lang sa height requirement.

Pinakamalaking hamon lamang aniya na kinaharap ng kapatid sa pag-abot sa tagumpay ang homesickness o pangungulila sa pamilya sa Malinao, Albay.

Sa katunayan, mahigit isang buong taon na ring hindi nagkikita ng personal ang buong pamilya dahil sa coronavirus pandemic.

Hindi rin makakadalo ang mga ito sa graduation kaya makokontento na lamang sa virtual o online.

Mahalaga aniya, masubaybayan nila ang pagtanggap nito sa diploma na ilang taong pinagsikapan.

Ang 23-anyos na si Calleja ay college undergraduate ng Bachelor of Science in Public Administration sa Polytechnic University of the Philippines.

Bukod sa pagiging consistent honor student, isa rin itong student leader.