-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patuloy ang ginagawang pagtulong ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa mga micro, small, and medium enterprise upang mas makilala ang kanilang mga produkto at mapataas ang kanilang kita.

Kaugnay nito, mayroon na ngayong pasalubong center ang pamahalaang panlalawigan na makikita sa harap ng Provincial Capitol Grandstand.

Ang pasalubong center na pinondohan ng P7 milyong halaga ay magsisilbing one-stop-shop para sa mga nais bumili ng mga produktong gawa sa lalawigan.

Ang pasilidad ay hindi lamang mapakikinabangan ng mga maliliit na negosyante kundi pati ng mga magsasaka.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan sila ng pagkakataon na maipagmalaki ang kanilang mga lokal na produkto.

Samantala, maliban sa pasalubong center, pinasinayaan din ng pamahalaang panlalawigan ang elevator na matatagpuan sa main building ng provincial capitol.

Ang elevator na may halagang P5 milyon ay proyekto ng pamahalaang panlalawigan para sa mga person with disability at senior citizen na may transaksyon sa mga opisina ng nasabing gusali.