-- Advertisements --

Iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bahagyang nakaranas ng pinsala ang ilang paliparan bunsod pa rin ng malakas na ulan at hangin na dala ng bagyong Ulysses.

Bandang 4:45 naman ng madaling araw kahapon nang makaranas ng power interruption ang Plaridel Airport. Hindi rin nakaligtas mula sa malakas na ihip ng hangin ang door panels ng naturang paliparan.

Pinasok na rin ng tubig ang tower building nito dahil sa storm surges.

Ayon pa sa CAAP, binaha na rin ang Runway 07, hangar at general aviation ng Sangley Airport. Nakaranas din ito ng power outage dakong 12:20 a.m.

Nakapagpadala na rin aniya sa kanila ang mga area managers mula sa bawat paliparan ng situation reports upang malaman kung gaano kalaki ang naging pinsala sa kanilang pasilidad.

Batay sa report mula sa mga paliparan sa Bicol Region, operational pa at walang natamong pinsala ang Virac Airport, Naga Airport at Legazpi Airport. Kaagad namang inilikas sa mas ligtas na lugar ang mga on-duty personnel ng mga nabanggit na paliparan.

Ganito rin ang kasalukuyang lagay ng mga airports sa Jomalig, Mamburao, Marinduque, San Jose, Pinamalayan, Wasig, Romblon, Subic Bay, Iba, Baler, Alabat, Calapan, at Lubang.

Dagdag pa ng CAAP na nananatiling operational ang Busuanga airport sa Area 4.

Sinisiguro naman ng CAAP na patuloy ang pagpapadala ng situation reports ng mga paliparan at kaagad itong kino-consolidate ng CAAP Operations Center (OPCEN).