Nakapagtala ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) noong Sabado, Disyembre 23, ng record-breaking na bilang ng pasahero. Dinagsa ang PITX ng 240,000 na pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para sa holidays.
Ang bilang ay mas mataas kaysa sa 160,000 na naitala noong Disyembre 22, kung saan ang mga Pilipino ay umaasa na makabalik sa kanilang mga probinsya bago ang bisperas ng Pasko.
Ngayong Linggo, medyo lumuwag ang foot traffic, bagama’t nanatili itong mataas na may mahigit 103,000 pasahero na naitala bandang alas-4 ng hapon.
Inaasahan ng pamunuan ng PITX na aabot sa 180,000 ang bilang ngayong Disyembre 24.
Samantala, naunang sinabi ng mga opisyal na inaasahan nila ang humigit-kumulang 1.5 milyong biyahero sa mga paliparan at isa pang 5.1 milyon sa mga daungan sa buong bansa ngayong kapaskuhan.