Kinumpirma ng mga opisyal ng Pilipinas sa Japan na bumubuti na ang lagay ng Pinoy seaman na nag-positibo sa 2019 novel coronavirus (nCoV).
Ayon kay Philippine Deputy Chief of Mission to Japan Robespierre Bolivar nasa ospital pa rin ang Pinoy crew na sakay ng cruise ship na Diamond Princess na dumaong sa Yokohama.
Pero nasa stable condition na raw ito.
Sa ngayon umakyat pa sa 61 ang bilang ng mga indibidwal na sakay ng nasabing vessel ang nag-positibo sa nCoV.
Lulan ng cruise ship ang nasa 538 Pinoy na binubuo ng 531 crew member at pitong guest passenger.
Lahat sila ay isinailalim na sa quarantine matapos mag-positibo rin sa nCoV ang isang foreign guest.
Pero hindi pa naglalabas ng impormasyon ang Japanese government kung may mga Pinoy na kasali sa bagong numero ng kanilang nCoV cases.
Nilinaw ng Department of Health na babalik pa rin sa quarantine ang mga Pinoy na sakay ng cruise ship kapag umuwi sila ng bansa.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, nasa kamay pa rin ng Japan ang bola kung may mga Pilipinong magpo-positibo sa nCoV.










