-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sumailalim na sa COVID-19 vaccine ang mga Pinoy Health Workers sa Estados Unidos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ninna Rockefeller, Pinoy Nurse Supervisor sa Los Angeles, California at tubong lalawigan ng Quirino, sinabi niya na marami na silang mga Pinoy healthcare workers sa America ang nabakunahan na.

Aniya, wala aniya silang nagawa kundi magpabakuna na dahil kapag hindi nila ito gagawin, at sakali mang magpositibo sa COVID-19, ay hindi babayaran ng kumpanya ang araw na hindi sila makakapagtatrabaho.

Pero bago magpabakuna noong January 8, 2021 pinag-aralan at nag-obserba raw muna si Rockefeller sa mga naunang naturukan nito.

Inamin niyang natakot siya dahil wala pang kumpletong clinical trial at wala ring long term clinical trial ang mga ginagamit ngayon na bakuna sa Estados Unidos.

Ayon pa kay Rockefeller, masakit ang mabakunahan na tumagal pa ng dalawang araw at nagkaroon din ng pamamaga.

Ang bakuna aniyang ginamit sa kanya ay gawa ng Moderna kahit pa ang inaprubahan ni President-elect Joe Biden ay ang gawa naman ng kompanyang Pfizer.

Gayunman ay pareho ring hindi pa aprubado ng United States Food and Drug Administration (FDA) ang naturang mga bakuna.