-- Advertisements --

Dalawang rounds lamang ang kinaliangan ni Sergey Lipinets para patumbahin ang pambato ng Pilipinas na si Jayar Inson sa Pacquiao-Thurman undercard.

Inabot kasi ng left hook ni Lipinets ng Kazakhstan ang ulo ni Inson kaya bumagsak ang Pinoy boxer sa lona una ang mukha.

Sinubukan pang bumangon ni Inson para ipagpatuloy ang laban, pero nagdesisyon ang referee na si Jay Nady na huwag na itong payagan.

Tinigil ni Nady ang aksyon sa unang 57 segundo ng second round ng undercard bout sa MGM-Grand Garden Arena.

Ito na ang ikatlong magkakasunod na panalo ng 30-anyos na si Lipinets (16-1, 12 KOs) magmula nang maitala niya ang kanyang unang talo via unanimous decision kontra Mikey Garcia 16 buwan na ang nakalipas.

Samantala, ito naman ang unang pagkakataon na natalo ang 28-anyos na si Inson via knockout magmula nang maging pro siya noong Disyembre 2013.