Binabatikos ngayon si Presidential Consultant for Western Visayas Jane Javellana dahil umano sa pagpapakalat ng “fake news.”
Ito ay dahil sa pagkasangkot sa issue na “pag-hijack” umano ni Iloilo 2st District Rep. Janette Garin ng sa isang flight na para sa limang Med Tech na dapat ay papuntang Manila para mag-training sa Coronavirus disase 2019 (COVID-19) testing.
Ang nasabing flight ay naka-schedule noong March 22.
Ayon sa grupong Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon) malaki ang duda nila sa mga pahayag ni Javellana tungkol sa nangyari.
“Nakakalito ang binibigay n’ya na paliwanag para sa malaking aberya na ‘yan. Hindi natin maiwasan ang magtanong:l. Sino ba ang pino-protektahan niya? Kasi andami n’yang tinuturo na dapat sisihin sa nangyari, pwera na lang si Rep. Garin. Ang sabi nila miscommunication lang daw. Parang hindi tama yun. Si Javellana ay na-appoint sa isang prestihiyoso posisyon. May tiwala ang Presidente sa kanya, pero parang hindi n’ya pinapahalagahan ang tiwala na ito. Parang fake news tuloy ang dating ng mga statement n’ya,” ani Em Ross Guangco, convenor ng Pinoy Aksyon.
Ang pagpapadala ng limang Med Tech mula Iloilo papuntang Manila para mag-training sa COVID-19 testing sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay napagpasyahan ng ilang grupo na nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng gobyerno sa Iloilo.
Layunin nila na makapagpatayo ng dalawang accredited COVID-19 testing centers sa Iloilo na magsisilbi sa buong Western Visayas.
Para maging accredited ang mga ito ng Department of Health (DoH), kailangan ma-train ang limang Med Tech.
Ang dalawa sa mga ito ay galing Western Visayan Medical Center (WVMC) at tatlo naman ay galing Western Visayas Sate University Medical Center (WVSUMC).
Walang commercial flights, kaya nag-request si Iloilo City Mayor Jerry Treñas ng tulong mula sa negosyanteng si Alfonso Tan.
Naiayos na ang lahat pati ang pagkuha ng flight clearance galing sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at sa Office of Civil Defense (OCD).
Si Javellana nga raw mismo ay isa sa mga tumulong na mabigyan ng clearance ang nasabing flight na naka-schedule sa March 22.
Ngunit noong March 22, nagulat ang dalawang Med Tech mula WVMC na sina Cecille Resol at Kathleen Torilla dahil pagdating nila sa airport, sinabihan sila na kasama nila sa eroplano
si Rep. Garin.
Nalito sila dito dahil ang pagkakaalam nila ay sasakay sila sa private plane na napahiram ni Tan.
Nalaman na si Rep. Garin ay galing sa Manila at dumating sa Iloilo nang umaga na iyon ay kasama ang dalawang RITM specialists.
Ang pakay daw nila ay ang mag-set up ng lab para sa COVID-19 testing sa WVMC.
Pabalik rin sila patungong Manila sa araw na iyon.
Sinabihan ang mga Med Tech na ang naka-schedule nilang alas-2:00 na flight ay magiging alas-4:00 na dahil kailangan nilang hintayin si Rep. Garin.
Pero alangan umano ang mga Med Tech na sumama kay Garin dahil siya at ang kanyang mga kasama ay galing ng Manila, kung saan may mga kaso na rin ng COVID-19.
Ayon sa protocol, si Rep. Garin at kanyang mga kasama ay dapat naka-quarantine at hindi dapat gumala sa Iloilo.
Mariin namang itinanggi ni Garin na ang akusasyon na isang “hijack” ang nangyari.
Wala raw siyang alam kung bakit nagkagulo ang mga flight arrangements.
Ang pahayag na ito ni Garin ay tila sinuportahan ni Javellana.
Ayon kay Javellana, malamang daw au nasa parte ni DoH Region 6 Director Marlyn Convocar ang dahilan ng buliyaso.
Hindi raw sila inabisuhan ni Convocar na lilipad din papuntang Manila ang staff ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda.
Ito daw siguro ang dahilan bakit di na pinayagan ng CAAP na makalipad ang mga med tech.
Dinamay na rin ni Javellana ang mismong boss niya na si Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Assistant Secretary Jonji Gonzales sa isyu.
“Baka na-amnesia na si Asec. Jonji at nakalimutan ang usapan 1 day before departure,” ani Javellana sa Facebook post.
“Sa pag-kwestyon na ito ni Javellana direct supervisor niya, magugulat ka talaga. Bakit n’ya na-comment yun? Ibig sabihin ba ay tinatawag n’ya na sinungaling si Asec. Gonzales? Mahirap paniwalaan yun dahil humarap na ito sa media para i-confirm na may pakukulang sa coordination noong March 22. Kung ganun ang sitwasyon, pwede na sigurong maparusahan si Javellana dahil maituturing na ‘fake news about COVID-19’ ang mga pahayag niya,” wika ni Guangco.
Matatandaang isa sa mga alituntunin ng emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagpataw ng parusa para sa mga nagkakalat ng fake news tungkol sa krisis na dulot ng COVID-19. Ang mahuhuli ay makukulong ng dalawang buwan o magbabayad ng multa na aabot sa P10,000 hanggang P1 million.
Sa puntong ito, hinahamon ng Pinoy Aksyon ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin si Javellana.
“Kung tutuusin, pahamak talaga ang mga pahayag n’ya. Sinayang niya ang tiwala sa kanya ng Presidente. Kaya panawagan namin sa PNP, kailan kayo pwedeng umaksyon laban sa mga taong nagpapalala pa sa krisis na hinaharap natin ngayon? Delikado na nga ang virus, nanggugulo pa itong mga nagpapakalat ng fake news,” dagdag ni Guangco.