BACOLOD CITY – Ikinalulungkot ng mga Pilipino sa Canada ang pagkamatay ng isang Ilongga health worker na tatlong dekada ng nagtratrabaho sa nasabing bansa dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa report ni Bombo correspondent Noel Panes Relatos mula sa Ontario, Canada, sa isang long term care facility nagtratrabaho ang Pinay na si Christine Bacalocos Mandegarian ng Barotac Nuevo, Iloilo at nagtratrabaho sa Sienna Altamont Care Community sa Scarborough, Ontario.
Ayon sa mister nito, sumama ang pakiramdam ng kanyang misis nitong Lunes kaya’t kinuhaan ito ng swab sample upang masailalim sa test.
Araw ng Martes, lumabas ang resulta na positibo sa COVID-19 ang pasyente at nitong Miyerkules ay binawian ito ng buhay.
Inalala ng kanyang mga kasamahan ang healthcare worker bilang dedicated, loving and compassionate woman na magaling mag-alaga.
Ayon kay Sharleen Stewart, president ng Services Employees International Union, nakuha ng Ilongga ang virus sa loob ng healthcare facility kaya’t umaasa ang mga ito na bigyang-pansin ng pamahalaan ang kakulangan ng proteksyon para sa mga healthcare workers upang hindi mahawaan ng virus.