DAVAO CITY – Nasa mabuting kalagayan naman daw ang Filipina boxer na si Nesthy Petecio kahit apektado ang kanyang training dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Si Petecio ay tubong Tuban, Davao del Sur, na gold medalist sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships.
Napag-alaman na nasa Baguio si Petecio at patuloy na nagsasanay, ngunit base umano sa abiso ng kanyang coach ay wala siyang laban ngayong taon dahil sa COVID pandemic.
Ngunit pinayuhan pa rin siya na maghanda lalo na’t kadalasan na isinasagawa ang kanyang mga laban tuwing Nobyembre at Disyembre.
Nababahala naman si Petecio dahil nananatiling banta ang COVID-19 kaya mas gusto na rin na sa susunod na taon na lamang matuloy ang mga kompetisyon.
Samantala, matapos ang qualifying rounds sa Olympics nitong Marso ngunit bigo siyang makapasok, dahan-dahan na aniya siyang nakakabangon at naghihintay na lamang ng schedule sa mga susunod niyang laban.