-- Advertisements --

Nangailangan ng mas mahabang oras si Luis Nery kumpara sa kanyang inaasahan, pero naging kabilib-bilib naman ang panalo ng unbeaten bantamweight kontra Carlos Payano sa ninth round ng kanilang bakbakan.

Pinabagsak ni Nery mula Mexico ang pambato ng Dominican Republic na si Payano sa pamamagitan ng left hook nito sa katawan.

Ang suntok na ito ni Nery ay nagpahiga kay Payano at dahil sa sakit na kanyang natamo hindi na nito nagawa pang bumangon bago siya bilangan ng referee na si Vic Drakulich ng hanggang 10.

Dahil dito, itinigil ang kanilang laban ng hanggang sa huling 1:43 ng ninth round.

Sa panalo ni Nery ngayong araw sa Pacquiao-Thurman undercard, umakyat ang kanyang win-loss record sa 30-0 gayundin ang kanyang knockout win sa 24.

Matapos talunin si Payano, nanatili pa ring No. 1 contender ng WBC para sa 118-pound champion na si Nordine Oubaali ng France.