ILOILO CITY – Nagtala ng kasaysayan si Iloilo City Lone District Congresswoman-elect Julienne ‘Jamjam” Baronda bilang pinakaunang babaeng kongresista sa Lungsod ng Iloilo.

Si Baronda na dating Iloilo City councilor ay naungusan ang kanyang mga katunggali sa congressional elections na sina incumbent Iloilo City Councilor Atty. Joshua Alim, dating Iloilo City Councilor Perla Zulueta, at Dr. Lucio Encio.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Baronda, sinabi nito na labis ang kanyang kagalakan matapos manalo sa congressional race.

Nakahanda naman si Baronda na muling makipagbati sa kanyang mga katunggali na nakaalitan nito noong nakaraang halalan.

Napag-alaman na minsan nang nakatikim ng pagkatalo noon si Baronda noong tumakbo ito bilang bise alkalde sa Lungsod ng Iloilo.

Ngunit sa kabila nito, pinatunayan ni Baronda na hindi hadlang ang pagkadapa upang muli itong bumangon at magserbisyo sa kanyang mga kababayan.

Samantala, ang kapatid naman nito na si Lady Julie Grace Baronda ay nanalo rin bilang No. 1 councilor sa Lungsod ng Iloilo.