-- Advertisements --

Isang pinaghihinalaang bahagi ng rocket ang natagpuan sa baybayin ng Sitio Taburo, Bisucay Island sa bayan ng Cuyo, Palawan, nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa Coast Guard Station Eastern Palawan, natanggap nito ang ulat hinggil sa naturang debris bandang alas-6:46 ng umaga.

Agad namang nagpadala ang istasyon ng Quick Response Team (QRT) upang beripikahin at tiyakin ang kaligtasan sa lugar.

Sa tulong ng mga opisyal ng barangay, matagumpay na narekober ang pinaghihinalaang rocket debris at dinala sa Coast Guard Station Eastern Palawan, kung saan ito kasalukuyang nakasiguro habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Isasailalim naman sa masusing pagsusuri ng Maritime Safety Law Enforcement Group–Palawan (MARSLEG-PAL) ang narekober na debris upang matukoy ang tunay nitong pinagmulan at kung ano ang eksaktong uri nito.

Tiniyak ng Philippine Coast Guard sa publiko na ipinatutupad ang lahat ng kinakailangang hakbang sa kaligtasan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.