-- Advertisements --

ILOILO CITY – Manalo man o matalo ay may pamilyang uuwian si Miss Universe Philippines Rabiya Mateo na nagmamahal at proud sa kanya.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa tiyuhin ni Rabiya na si Miguel ‘Jun’ Mateo ng Balasan, Iloilo sinabi nito na saksi siya kung paano nagsikap sa pag-aaral si Rabiya mula elementarya hanggang sa tumuntong ito sa kolehiyo.

Ayon kay Miguel, sa kanyang pagkakaalala, si Rabiya ay isang klase ng tao na hindi sumusuko sa buhay at pinagtibay ng kanyang karanasan.

Bilang kinatawan ng Pilipinas sa 69th edition ng Miss Universe pageant sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino sa Florida, USA,sinabi ni Miguel na dedikasyon at ang kanyang busilak na puso na totoo sa kanyang adbokasiya ang magdadala kay Rabiya sa rurok ng tagumpay at maiuwi ang ikalimang korona para sa Pilipinas.